
FILE PHOTO: Isang provincial bus ng isang transport company na may terminal sa EDSA-Cubao (RAYMOND BALA LACSA / Photoville International)
MANILA, Philippines — Nangangambang malugi ang ilang bus operator kapag binuksan na ang Integrated Provincial Bus Terminal sa Metro Manila sa susunod na buwan.
Ayon kay Alex Yague, ang pinuno ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP), kailangan pa ng karagdagang dayalogo sa transport groups upang maging malinaw ito sa mga driver at pasahero na maaapektuhan ng plano.
“Ang kailangan natin dyan ay more dialogue sa mga operator, kasama yung mga mananakay para maintindihan natin kung anong dapat gawin, para maimplement natin ng mahusay walang gulo at maayos.”
Ang naturang proyekto ay hakbang ng pamahalaan upang i-relocate ang provincial bus terminals papalabas ng Metro Manila para mabawasan ang bulto ng mga bus na bumabaybay sa kahabaan ng EDSA.
Kapag naitayo na ang iba pang integrated bus terminal, wala nang pahihintulutang provincial bus company na magkaroon ng terminal sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Target ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maging operational ang integrated bus terminal sa south area ng Metro Manila ngayong darating na Hulyo. (Jerico Albano & Ruth Navales, UNTV News)