![FILE PHOTO: Ang pila ng mga sasakyang magbabayad ng toll fee sa kanilang paggamit ng North Luzon Expressway (PHOTOVILLE International)]()
FILE PHOTO: Ang pila ng mga sasakyang magbabayad ng toll fee sa kanilang paggamit ng North Luzon Expressway o NLEX. (PHOTOVILLE International)
MANILA, Philippines – Magdaragdag ng toll personnel ang Manila North Tollways Corporation upang asistehan ang mga motoristang dadaan sa NLEX (North Luzon Expressway), SCTEX (Subic-Clark-Tarlac Expressway) at CAVITEX (Manila-Cavite Expressway) sa long weekend.
Sa NLEX, maglalagay ng karagdagang toll teller sa Balintawak, Mindanao Avenue, Bocaue at Dau toll plazas.
Sa SCTEX naman ay magdaragdag din ng teller sa Mabalacat, San Miguel, Tarlac at Tipo.
Karagdagang toll collectors, security personnel, traffic officers and marshals naman ang ide-deploy sa CAVITEX.
“MNTC in cooperation with TRB will implement “Safe Trip Mo Sagot Ko” our motorist assistance program; aims to intensify of increase our services in 3 expressways by providing additional teams and manpower to enhance our services,” pahayag ni MNTC Vice President Raul Ignacio.
Inaasahan na tataas ng 15 hanggang 20-porsiyento ang volume ng mga sasakyan mula Marso 27 hanggang Marso 31.
Inaasahang aabot ng 200-libong motorista ang dadaan sa NLEX, habang 35-libo sa SCTEX at 90-libo naman sa CAVITEX.
24 oras na naka-stand by ang emergency response team at mechanical support sa tatlong highway.
Magbibigay din ng libreng tawag, libreng wifi access at libreng inuming tubig ang Tollways Management Corporation sa mga selected toll facility.
Libre rin ang towing services ng NLEX at SCTEX para sa mga class one vehicle.
Tiniyak naman ng pamunuan ng NLEX na wala muna silang isasarang kalsada at wala ring road repair mula Marso 23 hanggang Abril 2.
Pinapayuhan naman ang mga motorista na gumamit na lamang ng electronic tag upang hindi maabala sa mahabang pila ng mga sasakyan.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa opisina ng NLEX at SCTEX sa numerong (02) 3-5000. (Grace Casin & Ruth Navales, UNTV News)