
FILE: Ang Kansai International Airport sa Osaka na isa sa mga pinakaablang paliparan ng Japan kung saan lumalapag ang mga eroplanong lulan ang mga Pilipinong pumupunta sa naturang bansa. (PHOTO CREDITS: Carpkazu / Wikipedia)
TOKYO, Japan — Bibigyan ng multiple entry visa ng bansang Japan ang mga Pilipinong turista na nagnanais dumalaw sa bansa simula sa buwan ng Hulyo hanggang Agosto ngayong taon.
Mismong si Japan Prime Minister Shinzo Abe ang nagpahayag ng bagong patakaran upang lalong patatagin ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas sa industriya ng turismo.
Inaasahang aabot sa 18-milyong turista ang dadagsa sa naturang bansa pagsapit ng 2016.
Kasunod nito, ikinatuwa naman ng embahada ng Pilipinas sa Japan ang bagong patakaran.
Ayon kay Philippine Consul General in Tokyo, Japan na si Joy Ignacio, malaking tulong ito sa maraming Pilipino partikular sa mga nagtatrabaho sa naturang bansa.
“Excited din po kami dito dahil ibig sabihin nito marami pong Filipino na makakapasok po ng Japan, ang pabalik-balik po di na sila mahihirapan makakuha ng visa.”
Sinabi pa ni Ignacio na magandang oportunidad ito upang higit na mapatatag ang magandang relasyon ng Pilipinas at Japan.
Inaasahan namang palalawigin pa ng bansang Japan ang pagbibigay ng temporary multiple entry visa sa mga Pilipino kahit tapos na ang summer vacatio. (Ana Monica-Padua & Ruth Navales, UNTV News)