
FILE PHOTO: Traffic build up approaching EDSA-Munoz, QC. (RAYMOND BALA LACSA / Photoville International)
MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ngayon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng reversible zipper lane o ‘yung mga linya kung saan maaaring mag-counter flow ang mga sasakyan sa ilang bahagi ng EDSA at C-5 road.
Layon nito na maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko lalo na tuwing rush hour.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, plano itong ipatupad sa buwan ng Hulyo sa southbound lane ng Edsa mula ala-5 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi para sa mga northbound na sasakyan.
Kapag umaga naman at masikip ang daloy ng mga sasakyan sa southbound lane, magbubukas ng isang linya sa northbound lane mula ala-6 hangang alas-9 ng umaga.
Ngunit hindi lahat ng sasakyan ay papayagang dumaan sa zipper lane, dahil tanging light vehicles at may mga sakay na tatlo pataas lamang ang maaaring gumamit nito.
Ilang U-turn slots din ang isasara upang maging tuluy-tuloy ang takbo ng mga sasakyan.
Maglalagay din ang MMDA ng karagdagang signages at traffic law enforcers para sa pagpapatupad ng nasabing sistema. (Robie Demelletes / Ruth Navales, UNTV News)